Manghang-mangha si Mira habang hawak nito ang biniling compact mirror sa boutique ng kaniyang yumaong kaibigan. Bawat anggulo nito ay mabuti niyang sinusuri, sapagkat kakaiba ang disenyo na nakaukit dito. Ayon kasi sa ina ng kaniyang kaibigan, isa itong antigo na nagmula pa sa kanilang mga ninuno. Nagtataka man kung bakit ibinenta sa kaniya ng ginang ang bagay na iyon ay hindi na ito pinansin pa ng dalaga, sapagkat ang sa kaniya’y mayroon na siyang maipagyayabang sa kaniyang mga kaeskwela.
“Wow! Bago?” tanong ni Aira, isa sa mga kaklase niya. Kinuha nito ang bagay na hawak-hawak ni Mira at saka nakangiting nanalamin. Ilang segundo itong nakatitig sa salamin na iyon, at nang biglang umiba ang kaniyang pakiramdam ay agad na nitong ibinalik ang compact mirror kay Mira bago tuluyang tinalikuran ang dalaga.
Naiwan namang nagtataka si Mira habang sinusundan ng tingin ang kaklaseng tila biglang nawala sa kaniyang sarili.
Dapit-hapon na nang natapos ang kanilang klase. Habang naglalakad si Mira sa isang iskinita pauwi sa kanilang bahay ay isang matandang kuba ang lumapit sa kaniya at mahigpit na hinawakan ang braso niya. Nanlalaki ang mga mata ng dalaga habang nakatitig sa hindi maintindihang hugis ng mga mata ng matanda. Tiningnan niya ito nang mabuti at halos mandiri siya sa kaniyang nakikita; itim na itim ang gilid ng mga mata nito habang may kung anong maliliit na bukol naman sa bandang gitna.
Napaatras si Mira dahil sa sobrang takot na nadarama. Gustuhin man nito na kumawala mula sa pagkakahawak sa kaniya ng matanda ay hindi nito magawa. Dahil bukod sa nanghihina na ang kaniyang tuhod, tila nahipnotismo pa siya nito.
“May sumpa! May sumpa! Hindi ka na makakawala!” paulit-ulit na sinambit ng matanda bago tuluyang naglaho na parang bula.
Napakurap ang dalaga.
At nang mahimasmasan ito mula sa pagkakahipnotismo, nadatnan na lamang niya ang kaniyang sarili na nakahiga sa kama habang wala sa sariling nakatitig sa compact mirror na ngayon ay nakalapag na rin sa ibabaw ng mesita. Sa gulat at takot ay umalingawngaw ang malulutong na mura ng dalaga sa apat na sulok ng kaniyang kuwarto. Daglian siyang tumayo upang tangkain sanang itapon ang compact mirror na iyon, subalit dahil sa pagkataranta ay nahulog ito sa sahig at tuluyan nang nabuksan.
“A-Ano? P-Paanong…” Hindi maituloy-tuloy ni Mira ang kaniyang sasabihin, sapagkat hindi ito makapaniwala sa kaniyang nasaksihan. “S-Si… si Aira… p-pinatay niya si Aira?” mahinang sambit nito sa sarili.
“Pinatay mo siya, Mira…”
Isang nakakakilabot na tinig ang narinig ng dalaga. Kasabay ng pagpihit nito sa pinanggalingan ng boses na iyon ay ang pagpasok sa kuwarto ng kaniyang ina.
“Ma!” Tumakbo ang dalaga patungo sa kaniyang ina at mabilis niya itong niyakap. “Ma, si Aira… nakita ko siya… patay na siya, Ma!” humahagulgol na sambit nito.
“M-Mira… Anak.” Hinawakan ng ina ang magkabilang balikat ni Mira bago marahang iniharap sa kaniya. “Magtatago tayo, Mira. Hindi ka namin pababayaan ng daddy mo. Aalis na tayo ngayon din,” untag niya rito.
Naguguluhan namang napailing ang dalaga. “Hindi tayo aalis, Ma. S-Si Aira… kailangan pa niya ‘ko! Nakita ko siya, Ma! Titistigo ako sa—“
Hindi na natapos pa ng dalaga ang kaniyang sinasabi, sapagkat bigla nitong nakita ang kaniyang duguang mga kamay habang hawak-hawak ang kutsilyo na pumatay sa kaniyang kaibigan.
Agad niya itong binitiwan. Napatingin siya sa kaniyang lumuluhang ina habang marahan naman itong tumatango sa kaniya.
“Kailangan na nating umalis, Anak.”