Bakit? Katanungan na kadalasan hindi nawawala kapag may pinagdadaanan. Magdadasal sa Panginoon habang ang mga luha ay diretso sa unan. Gustong paniwalaan na sana ang lahat ay panaginip lamang. Magigising at haharapin nanaman ang isang araw ng buong tapang.
Bakit? Katanungan na minsan ay sadyang napakahirap talagang sagutin. Napupuyat sa gabi kaiisip at umaasang ang tanong ay sa wakas nasagot din. Nakatitig sa dingding hanggang sa hindi namamalayang umaga na ulit. Susubukang ibalin ang pinagdadaanan sa kung ano tulad ng pag-awit.
Bakit? Katanungan na sa ibang pagkakataon ay tila walang katapusan. Pagkatapos ng isang bakit, hindi maiwasang ang tanong ay sadyang nadadagdagan. Magpapasalamat nga ba na nalaman ang kasagutan sa tanong? O mag-aalala dahil ang problema'y nagiging patung-patong?
Bakit? Katanungan na minsan hindi mo maintindihan, kailangan mo pang magpaliwanag. Parang ang mga tao ay walang tiwala at kanilang loob ay hindi mapanatag. Hindi ba sapat na hindi naman ako iba, ako pa rin ang taong iyong nakilala. Dahil lang sa isang tanong, nag-iba ang tingin sa akin na parang bula.
Bakit? Katananungan na maaring maging dahilan ng kapaguran at pagsuko. Minsan sisihin na lang ang sarili. Hanggang dito na lang ang kaya ko. Ang natitirang pagmamahal sa sarili ay piniling pangalagaan. Ipagpapatuloy ang buhay kahit marami pang pagsubok ang pagdadaanan.