Mga salitang hindi mabigkas na sa bibig gustong lumabas
Mga emosyong ikinukubli sa puso at gustong makaalpas
Mga panaginip at pangarap na gustong maisakatuparan
Mga kagustuhan na isinasantabi dahil sa pangangailangan
Lahat ay maaari nang marinig at makinig
Hindi man natin ito maibahagi gamit ang bibig
Ang mga nilalaman ng puso at isipan
Magagawa nating masabi ang nararamdaman
Ang mga iyak, nagiging hikbi at hagulhol
Mga dila man natin ay nagkakabuhul-buhol
Ang mga ngiti, nagiging tawa at halakhak
Sa puso’t isipan natin ay tumatatak
Katulad ito na ang mga titik ay nagiging salita
At ang mga salita, nagiging pangungusap at talata
Ang mga kuwento ay dito nagmumula
Tula, kanta, maikling kuwento o nobela
Sa bawat kudlit, guhit at punit, ang katumbas ay sakit
Kaya ititipa na lang ang mga titik
Sa bawat kiliti, saya at ligaya
Hayaan na ang magsabi ang mga letra
Sa mga taingang nakakarinig pero nagbingi-bingihan
Sa mga matang dilat pero hindi maimulat
Baka sakaling may makinig at magising
Mabuksan ng panulat ang kamalayan nating lahat.