I miss you.
Tatlong salitang narinig ko mula sa isang awit.
I miss you.
Tatlong salitang nabasa ko mula sa mga post sa Facebook
o di kaya nama'y sa Twitter o Instagram.
Bigla akong nanahimik,
saglit na nanahimik mula sa ginagawa.
Inisip kung para kanino ko ba inaalay ang tatlong salita
na 'I miss you'.
Di ko alam.
Wala akong maisip.
O marahil ayokong alamin.
Pinuntahan ko ang mga lumang pahina mula sa aking talaan.
Dahan dahan kong binasa ang bawa't letra na aking nilagay at inimbak
sa matagal na panahon.
Sa aking pagsisiyasat, ako'y nagulat.
Nanahimik.
Nagtaka.
Nagtanong.
Nasambit mula sa aking mga labi ang sagot.
"I miss being myself"
Nakaka miss tumawa ng malakas tulad ng dati.
Nakaka miss maglaro sa labas ng walang pangamba't tanong
kung pa'no tayo lalaban sa buhay bukas?
Na miss ko maging ako.
Ang dating ako na walang bahid ng kaalaman sa dumi ng lipunan.
Ako na walang bahid ng pangamba mula sa mga mapanghusgang nilalang.
I miss you.
Mga salitang alay ko pala sa aking sarili.
Sa sarili ko na gustong makita ang liwanag ng buhay na dati kong taglay.