ISA, Doon tayo magsimula sa umpisa Bilangin natin ang mga naburang ala-ala sa pisara Magbalik-tanaw tayo sa mga kwentong naisulat mula Doon sa mga gabing di matapos-tapos ang istorya Hanggang doon sa mga umagang tinatanghali na Mga panahong ang mga ngiti ay abot sa tenga At mga tinig na masarap sa tenga Tulad ng "MAHAL KITA" at "IKAW LANG ANG NAG-IISA" DALAWA, "Tayo lang dalawa" Ikaw lang ang kita sa mata, At pangalan ko lang ang nakahabi sa panyo mong dala-dala Parang libro ng matematika, Mga kamay mo'y namamalagi sa mga kamay kong Di iniinda ang namumuong pawis sapagkat ang mahalaga, Gusto kita. TATLO, Sa panulat ng yeso, Hawak-hawak ko ang iyong braso Isusulat ang tatlong salitang "I LOVE YOU" Kalakip ang pangalan mo at pangalan ko Kalakip ang walang hanggang pangako Nagbitiw tayo ng mga pangako Na sa huli pala'y mapapako At OO mahal, napako. APAT, Sapagkat nawala ang kislap pagtuntong ng ika-APAT Na tila sa bawat taong binibilang nababawasan ng sangkapat Ang kwentuhang di makukumpleto kung di malilipasan Nang hapunan hanggang sa kalagitnaan ng gabi ay napalitan Diba dapat patungo ang bilang sa pagka-asawahan? Bakit nagkasawaan? LIMA At bumilang pa tayo ng pang LIMA Pano nga ba masasabing ang dating tama ay MALI na pala? Ang sabi mo ay "Busy ka?" ,"Busy saan?" Ang hirap pala magtanong ng alam mo ang kasagutan Dahil lang ayaw mong baliin yung nakasanayan Ayaw mong malaman kasi ayaw mong maiwan. ANIM Anim na rosas ang aking inihain sa ika-anim natin At isang balot na tsokolate na hindi mo kinain Taliwas sa dati na ang hirap bilangin Nang mga halakhak sa iyong bibig na binabalutan Nang matatamis na tsokolate at di malanta-lantang Mga ngiti sa matatamis mong labi Mahal, Wala na ang dati. PITO Magbibilang pa ba tayo? Ay hindi, magbibilang pa ba ako? Magbibilang pa ba ng mga luhang pumatak ng dahil sayo? Ilang balde na nga ba dapat sa napupuyat na isipan at di Makatulog na mga mata ang sumisiksik sa mga basang unan? Hindi na masayaa, May papansin kase? "Hinde" Hindi na kasi tayo mga bata mahal. WALO At ang dating mahika ng tatlong salitang "I LOVE YOU" mo Ay napalitan ng sumbat sa isang mahinahong sigaw, Nakikiusap na kung pwedeng mauna na kong bumitaw Kung noo'y balanse ang timbang sa magkabilaan nating Inuupuan ay tila bumibigat sapagkat may ibang nakikisawsaw Handa na akong bumitaw. Sa isang bagsakang hiyaw. SIYAM Hinintay ang ika-syam na araw makalipas ang syam na taon Buo ang loob ngunit ang hirap huminahon Sa dami ng bumabagabag na tanong na "paano kung", "paano ako aahon" , "paano ako babangon" sa matatamis na ala-ala ng kahapon? Na singtamis ng mga likido sa santan na ginagawa kong kwintas mo sa tuwing tayo'y naglalaro maghapon? SAMPU At doon natin wakasan sa ikahuling bilang na SAMPU Ang mga naipon ay kusang nagsisitulo Ang bawat segundo, minuto, oras , araw, buwan at taon ay Unti-unting sumasaksak sa kaibuturan ng puso habang Sumisigaw sa saliw ng galit at habag sa sariling anino. Ibaon sa limot. Mula doon sa mga gabing bumibilang ng mga araw na kaybilis Hanggang doon sa mga gabing sa halip na pagmamahal ay Pagsusumbatan ang lumalabas sa bibig.
Tapos na ang bilang, Malaya na ako, Sa kadena ng sariling anino.