April 21, 2014
Ito yung simula ng ating pag paplano sa mga lugar at resto, kung paano tayo sasaya sa gitna ng mga problema. Ito yung panahon na ang saya natin kasi nasa utak na natin yung mga pangyayari. Mag kasama tayong dalawa habang tinutupad ang lahat ng ito. Pareho tayong tumatawa habang nag iisip pa ng idadagdag dito sa "bucket list" natin na tayong dalawa lang ang mag kasama.
May 3, 2014
Ngayon ang simula natin kung saang lugar tayo pupunta, kung saang bundok ang aakyatin natin -sa Luzon, Visayaz o Mindanao ba, ngunit alam mo kung ano yung nag pangiti sa akin? Yung mga salitang sinabi mo na, "Kahit saan mag punta basta ikaw ang kasama ok lang masaya na ako doon." Nakakatuwa, hindi ko alam pero noong araw na 'to kinikilig talaga ako.
May 21, 2014
Nag kita ulit tayo sa lugar na tayong dalawa lang ang may alam at syempre hindi mawawala ang kulitan at tawanan, hanggang sa mapag-usapan na naman ang plano nating dalawa. Meron na tayong lugar kaya naisip kong plano ay tungkol sa pagkain naman. Agad kang napaupo galing sa pag kakahiga mo sa hita ko at napatingin sa akin. Oo, alam kung hilig mong kumain kaya nga dinagdag ko ito sa plano natin -Ang kumain nang magkasama. Ang sweet 'no? Natatawa ako sa tuwing naalala ko 'to. Kasi halos mag laway ka na kada banggit ko ng mga paborito mo.
June 8, 2014
Malapit na mag pasukan magiging abala na tayo sa kanya-kanya nating buhay pero bago yun ay nag kita tayo sa tapat ng inyong tahanan. Nakaupo sa hardin habang nagkukwentuhan.Hanggang sa maisip ko na bakit kaya di tayo mag-collab. Tama! collaboration na kasama ka. Gagawa tayo ng tula na tayong dalawa ang mismong gagawa. Kita ang saya sa iyong mga mata. Hindi ka na makapag hintay na matupad ang mga bagay na ito.
July 25, 2014
Muli na naman tayong nagkita, heto't magpaplanong muli. Syempre gusto ko ikaw naman ang mag-isip kaya habang umiinom ng paborito kong kape ay nakatingin lang ako sayo... bigla ka nalang ngumiti at tumingin sa akin. "Alam ko na! Isa sa mga plano natin ay tulungan ang mga batang lansangan." Kung iisipin masyadong mahirap pero dahil mag kasama tayo magiging madali ang lahat.
May 19, 2018
Nandito ako ngayon sa cafe na lagi nating tinatambayan. Natupad ko na din yung ibang plano natin na sana tayong dalawa ang mag kasama... yung Sagada? Ang ganda nailabas ko doon yung sakit. Kumain din ako sa isang resto sa Baguio. Nakagawa na din ako ng mga tula at istorya sayang at hindi kita kasama.
Kanina pumunta ako sa isang orphanage binisita ko ang mga makukulit na bata at nagturo ng panibagong aral sa kanila. Nakakatuwa na makita mo silang masaya sa bawat tinuturo ko. Medyo nahirapan noong una pero kinakaya ko naman para matupad ang huling plano natin.
Napatingin ako ngayon sa kawalan. Gabi na pala. Ang ganda ng mga bituwin. Nakatingin ka din kaya? Kamusta ka na ba? Ilang taon na din tayong hindi nag kikita. Kilala mo pa ba ako? Siguro hindi na. Siguro nakalimutan mo na. Okay na sana lahat. Nakaplano na. Pero bumitaw ka, naiwan ako sa ere. Pero ok lang ako naging masaya naman ang lahat.
Nostalgic.