Nasa isang bus terminal na naman ako. Uuwi ako sa probinsiya namin ngayon dahil gusto kong tumakas. Tatakasan ko ang isang mapait na pangyayari sa buhay ko ngayon. Masyadong mahapdi at malalim ang sugat na idinulot ng pangyayaring ito.
Medyo maalinsangan dito sa terminal dahil maraming tao. Kahit maraming tao ay maayos naman silang pumipila. Matagal-tagal na rin akong nakaupo sa plastik na pulang silya at ramdam ko na ang init. May nag alok sa akin ng malamig na tubig sa halagang P25 lang pero tinanggihan ko. Naisip ko na di naman maiibsan ng tubig sa bote ang pangit kong nararamdaman. Wag na lang. May iilang minuto na ang lumipas, may nagtitinda ng mani at inalok ako na bumili, tumanggi na naman ako. Naisip ko na di niyan maaalis ang alaala ng masakit na pangyayari. Parang nag-uusap ang mga tindero na ako lang ang alukin dahil sa pangatlong pagkakataon ay may nagtinda na naman sakin-tsinelas. Sa pagkairita ko ay nasinghalan ko siya "Aanhin ko ang tsinelas kung di rin naman ako tutungo sa kung nasaan siya ngayon." Tiningnan na lang ako ng mama at lumayo agad sakin.
Dalawang oras na ang nakakaraan ngunit nandito pa rin ako sa terminal. Naiinip na ako pero wala akong magagawa dahil kailangan kong hintayin ang sasakyan kong bus. Ito lang pala ang terminal na papuntang Lucban. Maya-maya ay nag-ring ang phone ko. Tumatawag si Angelo. Ang sanhi ng lahat ng ito. Ang kalungkutan at sakit na nadarama ng puso ko. Ilang linggo na siyang nanlalamig sakin at nitong umaga lang ay humingi ng cool-off. Bakit hindi na lang niya ako tinanong o kinausap man lang para maisaayos ang problema kung ano man yun? Wala siyang karapatan na magdesisyon para saming dalawa. Dapat na dalawa kaming magdedesisyon para sa amin. Dahil sa pinangunahan na niya ako at di ko pag sang-ayon sa desisyon niya tatakas muna ako. Mag-iisip isip kung dapat ba na ipagpatuloy ko ang pagiging kasintahan niya. Hindi ko gusto na nasasaktan ako. Magaling ako sa pagtakas. Tatakbo muna ako. Lalayo. Gusto ko muna magpahinga. Sa probinsya ay makakapag-isip ako ng husto dahil nandun ang taong pinakamagaling magpayo sa buong mundo - si Lola Maria.
Nang makarating na ako sa probinsiya, nakita ko na nagwawalis ng bakuran si Lola Maria. Kahit alas-onse na ng umaga ay di mainit dahil napapaligiran ang bahay ng maraming malalaking puno. Nadama ko agad ang masarap na simoy ng hangin. Nakakarelaks.
"Aba hija di ka man lang nagsabi na uuwi ka napasundo sana kita kay Tiyo Selmo mo."
"Ayos lang ho lola magpapalipas lang ako ng dalawang araw kaya konti lang ang dala kong damit. Kailangan ko lang kasing mag-isip isip." Kahit nasa katandaan na si Lola ay makikita pa rin ang kagandahan niyang taglay. Mapupungay na mga mata, matangos na ilong, parisukat na mukha at makakapal at makintab na buhok.
"Halina't magkape ka muna at kumain ng tinapay. Maya-maya pa ay magtatanghalian na tayo pagtapos maluto ng sinigang."
Habang kumakain ng tinapay, nagsimula na akong magkwento kay Lola. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang pag-aalala.
"Hija mabuti't umuwi ka muna dito ng makapagpalipas ng hinanakit. Nataon din na marami akong bakanteng oras dahil sa ang mga kamag-anak muna natin ang bahala sa bukid at mga alagang hayop. Ang mapapayo ko lamang sayo ay eh magpahinga ka muna dito. Doon ka lamang makakapag-isip ng mabuti. Sa nararamdaman mo lilipas lang din yan. Nakikita ko kasi na talagang mahal mo ang lalaking yan at pagsubok lang yan. Ang mga damdamin natin kung minsan ay sumusubok satin para mapatunayan kung mahal natin ang isang tao at kung hanggang saan ang pagmamahal natin sa kaniya. Kapag masama ang loob mo sa kanya hayaan mong mawala yan bago ka magpasya ng kahit ano. Mahirap ng magsisi sa bandang huli. Huwag mong gayahin ang kababata kong si Mila. Sa galit niya sa kanyang nobyo ay hiniwalayan niya agad ito, di pinatawad pero sa bandang huli ay hinahanap-hanap niya ito. Mahal pa raw niya kasi ang nobyo niya. Ngunit sa sakit ng ginawa niya ay di na muling nagpakita ang kasintahan niya."
Tama si Lola Maria. Mabuti na lamang na sa kanya ako nagtungo. Naliwanagan ang isip ko. Bukas na bukas ay kakausapin ko nang muli si Angelo. Kung matatapos na ang cool-off namin at magiging maayos na ulit saming dalawa ay mabuti pero kung hindi ay tatanggapin ko. Bahala na ang tadhana magtakda.