“Ms. Arianna Gomez? Pinatatawag ka na sa loob,” diretsong sinabi sa akin ng babaeng kulay pula ang buhok bago ako inismiran at tinalikuran. Kung anu-ano tuloy ang ibinubulong ko sa hangin habang naglalakad patungo sa opisina ni Mr. Dela Cruz. Hindi ko kasi alam kung bakit ganoon na lamang ang trato niya sa akin, eh. Ang alam ko lang, mas maganda ako sa kaniya. “Mr. Dela Cruz… Ms. Gomez is here,” aniya nang buksan nito ang matingkad na pinto na animo’y gawa sa platinum. “Okay, Sir,” dinig kong dugtong pa nito bago humarap sa akin at muli na naman akong tinaasan ng kilay. “Better not to work here,” mariin niyang sinabi na siyang ikinagulat ko.
Naguguluhan akong sinundan siya ng tingin palayo sa akin habang mariin na pinatutunog nito ang kaniyang stilleto sa mala-marble na sahig.
“May saltik na manok,” bulong ko sa sarili bago marahang pinihit ang door knob ng pinto at hindi na nag-alinlangang pumasok sa loob. “Good morning po Mr. Dela Cruz,” magalang kong pagbati sa lalakeng nakatalikod sa akin.
“Have a seat,” utos niya nang hindi pa rin tumitingin.
“O-Okay, Sir,” garalgal kong tugon hudyat na ako’y kinakabahan na.
“So… introduce yourself now.”
“P-Po?” Hindi naman sa nagbibingi-bingihan ako, subalit sadyang naguguluhan lamang ako sa paraan ng pag-i-interview nito.
Nakatalikod tapos magtatanong? Ano’ng trip niya?
“Hindi ako nag-uulit ng tanong,” mariin niyang sinabi. “For you, what is marriage?”
Kung kanina ay naguguluhan ako, ngayon naman ay wala na talaga akong maintindihan sa gustong i-punto ng lalakeng ito. Ano’ng kinalaman ng marriage sa pagiging receptionist ko? Ganito ba talaga siya magtanong sa mga aplikante niya? Nakakaloka ang mga tanong niya, ha?
“A-Ah… S-Sir…” garalgal kong sambit.
“Marriage is just a game,” pabulong niyang sinabi, subalit sapat na upang aking marinig. “For you, marriage is just a ******* game, right?” Kasabay ng salitang iyon ay ang pag-ikot ng kaniyang upuan paharap sa akin.
Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang kabuuan ng kaniyang mukha. Bumilis ang tibok ng aking puso at kasabay niyon ang pagbagal ng aking paghinga.
“Ms. Gomez, I’m Justine Dela Cruz… your former Justine Mendoza,” aniya sabay salikop ng mga daliri nito sa ibabaw ng mesa.
Naramdaman ko ang panginginig ng aking mga kalamnan at pagtutubig sa gilid ng aking mga mata habang nakatitig ako sa kaniya.
Siya.
Siya ang lalakeng mahal ko noon pero mas pinili ko pa rin ang iwanan siya sa harap ng altar. Mahal na mahal ko, subalit hindi iyon naging sapat na rason upang piliin ko siyang makasama habang-buhay. Sobrang mahal ko, subalit nagpadala ako sa takot ng kinabukasan kung kaya nauwi ang lahat sa hiwalayan.
Ano’ng nangyari sa akin? Sa atin? Paulit-ulit kong tanong noong mga panahon na ako’y mag-isa at pilit kang hinahanap ng aking sistema. Dumaan ang mga araw na nagsisisi ako sa lahat ng ginawa ko noon at hinihiling na sana’y maibalik pa ang lahat kung sakaling tayo ay muling magkita.
At ngayong nasa harapan na kita… may pag-asa pa ba?
“Babe, lunch is ready,” rinig kong sabi ng isang babae dahilan upang mapalingon ako sa direksyon nito. Pagkasara niya ng pinto ay dumiretso ito sa kinauupuan ni Justine at sinalubong naman siya nito ng isang malalim na halik.
Halos ikamatay ko na ang ginawang iyon ni Justine sa kaniyang sekretarya. Hindi ko na kailangan pa ang magtanong, dahil sa nakikita ko ngayon ay malinaw na sa akin ang sagot.
Huli na ang lahat para sa aming dalawa. Wala na akong babalikan pa.