Namamasko Po
- Pencil Book Philippines
- Nov 29, 2018
- 1 min read

Tuwing Disyembre
Ay taun-taon nang tradisyon
Ang pagbibigayan
Regalo, pamasko, sabihin mo
Panahong lahat ay abala
Sa pamimili at pagtanggap
Sa pagdedekorasyon at paghahanda
Iba nga ay nangangaroling pa
Inihahanda na ang mga bagong gamit
Bagong damit pati mga pamasakong tago
Iniisa isa, mga bahay ng mga papamaskuhan
Ninong, ninang ay di na mapakali
Karamihan ay madaming inaasikaso
Iba ay paghahanda ang tinatrabaho
Bakasyon ay pinaplano
Para pamilya’y muling maging buo
Ngunit biglang napagtanto
Na ang sentro na ng pasko
Ay paghingi at pagtanggap
Nawala na yata ang tunay na dahilan
Tunay na rason ng panahong ito
Na minsan sa isang taon
Lahat tayo ay nakaabang
Ano nga ba ang totoong ibig sabihin?
Marami ay nakatuon na sa regalo
Kay Santa Claus at reindeer
Sa mga paputok at mga handa
Sa pamamasko at pagtanggap
Sana’y hindi maging obligasyon ito
Ang pagreregalo ay hindi dapat sentro
Wala man maibigay ay ayos lang
Hindi dapat sapilitan ang bigayan
Dahil ang tunay na diwa ng Pasko
Ay hindi dapat sa regalo lamang
Masusukat ang selebrasyong ito
Higit pa sa materyal, higit pa sa kahit na ano
Si Hesus na nabuhay dito sa mundo
Kapanganakan niya ang tunay na sentro
Siya ang Tagapagligtas at buhay na Diyos
Siya dapat ang sikat pag Pasko