Huli Na Ang Lahat
- Pencil Book Philippines
- May 12, 2018
- 3 min read

May 13, 2007. Ang araw na hindi ko inaasahan na yun na pala ang ating huling paguusap.
Cervical Cancer, stage 3. Ang reason ng pagkamatay ni Mama. Almost three years ka rin lumaban. Nakakapagod, pero alam kong pinilit mong lumaban dahil alam kong gusto mong tuparin ang promise natin sa isa’t isa na ikaw ang makakasama ko sa araw ng pagtatapos ko sa kolehiyo. Hindi ka man naka abot sa araw na iyon ang mahalaga naka abot ka sa 56th birthday mo. And birthday mo, na yun na rin ang last day mo dito sa mundo. Saktong Mother’s day pa na tapat ang pag papa alam mo sa amin. Masakit, ang sakit dahil yun na pala yung huling araw na masisilayan ko ang mga ngiti mo. Hindi ko makakalimutan yung araw nay un dahil tila ang ayos ng lahat, ang aliwalas ng mukha mo at wala kang nararamdaman na sakit sa kahit anong parte ng katawan mon a nakakapag taka na halos araw ay may iniinda kang sakit. Kaya akala ko, okay ka na. Akala ko, magaling ka na. Akala ko, makakalabas na tayo sa hospital. Yun pala, yun na ang huli mong araw dito sa mundo.
Almost one year mo rin itong itinago sa amin bago mo sabihin na may stage 3 Cancer ka na pala. Napansin ko na halos araw araw kang nag papalit ng bagong bed sheet dahil dinudugo ka na pala. Madalas ka rin nag kukulong sa kwarto mo dahil may ini-inda ka na pala. Hanggang sa hindi nag tagal, hindi mo na kinayang mag palit ng bed sheet dahil unti unti ka ng nauubusan ng lakas. Hanggang sa natagpuan ka namin, naka halandusay sa CR ng kwarto mo na wala ka ng malay. Halos hindi ko na makita ang kulay na puti sa white bed sheet mo dahil halos na kulayan na ito ng pula ng dugo mo. Hindi ko alam ang gagawin ko noong mga panahon na iyon. Tila napako ang aking mga paa sa sahig noong nakita ko na puno na ng dugo ang kasuotan mo. Nangangatog ang mga tuhog ko noong papalapit ako sayo. Gusto kong sumigaw, gusto kong umiyak, pero hindi ko magawa. Unti-unting naninikip ang aking dibdib habang hinahanap ko ang cellphone ko sa bulsa ng pantalon ko para tumawag ng ambulansya. Tila nawalan ako ng malay sa sobrang pagkamanhid ng katawan ko sa pangyayari.
Noong sinabi sa akin ng doktor “Na may Stage 3 Cervical cancer ang Nanay mo”. Tumigil ang mundo ko. Napatitig ako sa kawalan at unti-unti akong kinakapusan ng hininga. Nanginginig ang mukha at ang mga kamay ko sinabi ng doktor. Ng hindi ko namamalayan, biglang bumuhos ang mga luha sa aking mga mata at wala na akong namutawing salita o kahit isang letra sa bibig ko. Gustong kong sumigaw. Gusto kong magwala. Gusto kong sisihin ang Diyos pero wala akong magawa. Tila para akong isang kandila na nauupos dahil sa naabos kong lakas.
Makalipas ang ilang lingo, doon ko na natanggap na malubha na ang kalagayan mo at wala na akong ibang magagawa kundi ang humingi na lang ng tulong sa Diyos.
Mama, ngayon na ika’y lumisan na, gusto ko sanang mag pasalamat. Alam ko na huli na ang lahat para sabihin ito pero sana malaman mo na, mahal na mahal kita at maraming salamat sa lahat. Maraming salamat sa paghihirap mo noong ako’y iyong isinilang. Maraming salamat sa pag turo sa akin sap ag lalakad noong ako’y bata pa. Maraming salamat sa pag akay sa akin sa tuwing nadarapa ako sa paglalakad. Maraming salamat sap ag sasakripisyo mo ng kapaguran mo sa trabaho para lang mapag aral ako sa magandang eskwelahan. Maraming salamat sa pagaaruga sa akin sa tuwing ako ay may sakit. Maraming salamat sa masasayang araw na kasama kita. Maraming salamat dahil ipinag tatanggol mo ako sa mga kalaro ko na nangaaway sa akin noon. Maraming salamat sa lahat lahat na ginawa mo para sa akin at Maraming salamat, dahil ikaw ang naging ina ko.
Huli na ang lahat pero, sana marinig mo pa rin ito. Happy birthday and Happy Mother’s day sayo Ma. I love You!
Kommentare