Para Sa Mga Iniwan
- Pencil Book Philippines
- Jul 15, 2018
- 2 min read

Sa lahat ng usapan tungkol sa pagmamahalan
Yung maiwanan ang pinakamahirap pakinggan
Maraming klase ng kwento kung paano tayo iniwan
Kahit saang anggulo mo tingnan, masakit lagi ang binabagsakan
“Ayoko na” dalawang salitang halos gusto mong ipagsigawan
Hindi ka makatingin ng deretso, ako ba ang may kasalanan?
Naglakad ka lang palayo at hindi sumagot sa katanungan
Nakita kitang may kasamang iba, yun pala ang kasagutan
Hindi mabilang na rason ang sinambit mo bago lumisan
Ni isa sa mga ‘yon wala akong gustong paniwalaan
Dahil nangako ka na hindi mo ako sasaktan kailanman
Pero heto ka’t nangunguna na mawala sa buhay ko nang tuluyan
At may isa namang ayaw talagang mang-iwan
Nagpaalam sabay sabing para ‘to sa’yo at sa karamihan
Tila di mo lang kayang sabihin sa’kin ng deretsuhan
Kung ano ba talaga ang rason bakit bigla mo na lang akong bibitawan
Meron din namang nawala na lang bigla ng walang dahilan
At mababaliw ka kakaisip kung bakit nagawa ka niyang saktan
Nang ganun-ganun lang, na parang wala lang lahat ng pinagsamahan
Tapos babalik siya bigla para humingi ng pagkakataon at kapatawaran
May rason man o wala, totoo man o kasinungalingan
Yung sakit na naramdaman nung taong iniwang mag-isa at luhaan
Yun ang mahirap kalimutan, Yun ang mahirap maintindihan
Nung taong nagdesisyong tapusin na lang ang kwentong nasimulan
Para sa mga iniwan, mga taong nawasak ang puso dahil sa taong pinagkatiwalaan
Nawalan ng gana sa lahat ng bagay. Sinisi ang sarili sa kinahantungan
Mga alaalang imposibleng makalimutan pero pilit binubura sa isipan
Pagmamahal na hindi pinahalagahan. Takot nang may muling maramdaman
Wag ibalin ang kasalanan sa sarili lamang. Hindi ito ang katapusan
At kahit gaano kasakit ang pinagdadaanan, siguradong yan ay malalagpasan
Hayaan ang sariling maghilom at magmahal muli sapagkat may taong nakalaan
Patawarin ng buong puso ang mga taong dumaan lang. Parte sila ng iyong nakaraan
Comments