Payong Kaibigan Lamang
- Pencil Book Philippines
- Aug 9, 2018
- 1 min read

Ang tamis ng inyong pagsasama
Akala mo'y hanggang sa dulo na
Lagi kayong magkasama
Hindi mapaghiwalay, kayo na talaga
Lakas ng tama mo
Sa taong matindi ang pagmamahal mo
Pag-ibig ay tunay na ipinapakita
Di alintana kahit puro gastos ka
Daig pa ng sanggol ang trato mo
Sa kasintahan mong lahat ay ibinibigay mo
Sa tuwing paglabas para kumain tayo
Una kang bumubunot ng pitaka mo
Kain dito, kain doon
Labas dito, labas doon
Pera mo'y tila di nauubos
Para sa pinakamamahal mo
Tuwing kaarawan ay bongga
Ang regalo mong napakamahal
Tuwing anibersaryo niyo
Grabe ang sorpresa mong handa
Hinay-hinay kaibigan
Sobra na yata ang ibinibigay mo
Hindi na yata patas ang laban dito
Maging wais din sa kaperahan mo
Ang pagpapakita ng pagmamahal
Ay hindi masama sa paraan ng paggastos
Ngunit bakit laging ikaw ang taya
Sa lahat ng lakad niyo nasaan ang ambag niya
Mahal ka ba talaga niya
O iba ang habol niya
May naalala ka ba
Na siya ang gumastos sa lakad niyo?
Nasaan ang mga regalo niya
May binigay nga ba siya
Meron naman siya pitaka
Ngunit ni minsan hindi niya hinugot
Bulsa niya'y napakakipot
At palad niya ay laging tiklop
Basta pera na ang pinag-uusapan
Pati sa kainan, ilag palagi siya
Kaibigan, gumising ka
Dapat pantay
Ang paglalabas niyo ng pera
Para sa isa't isa
Tanungin mo ang sarili mo
Mag-isip ka ng mabuti
Kung talagang tunay ang pag-ibig
Na sinasabi niya sa'yo
Dahil tila hindi makita
Ang "mahal kita" na binibigkas niya
Kahit paulit-ulit pa
Iba yata ang habol niya
Puro pakabig
Walang pagbibigay
Walang pagsasakripisyo
Kahit sa simpleng bagay
Ito'y payo lamang kaibigan
Ikaw ang iniisip ko
Ang kalagayan mo
Yun ang pinapahalagahan ko
Na sa'yo pa din ang pagpili
Ikaw pa din ang magdedesisyon
Nais ko lamang ay maging patas
Sa pag-iibigan at pagsasama niyo
Comments